Campus: Magkano ang halaga ng buhay mo? | SunStar

Campus: Magkano ang halaga ng buhay mo?

Time to read
1 minute
Read so far

Campus: Magkano ang halaga ng buhay mo?

Sunday, April 16, 2017

USOK na nakamamatay. Pumapasok sa katawan at sinisira ito. Marami na ang nakulong sa usok na ito. Parang digmaan, may sawi at may panalo.

Totoy ang tawag sa kanya. Isang bantog na mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas. Marami ng mga gantimpala ang kanyang nakuha. Kinse anyos lamang siya, ngunit siya’y nasa unang taon na ng kolehiyo.

Nauna siya sa kanyang pangkat dahil siya’y matalino at mahusay sa kanyang mga gawain. Noong dose anyos siya, napag-aralan at nahusay niya ang calculus.

Isang araw, napakaraming pagsusulit ang kanyang ginawa. Marami ring mga proyekto ang kailangan niyang gawin. Lahat ng ito ay nagdulot sa kanya ng kalungkutan. Nakaramdam siya ng pagsisisi kung bakit kinailangan niyang mauna sa pagko-kolehiyo.

Nang sumunod na araw, malungkot pa rin siya. Nakita siya ng kanyang mga kaibigan sa ganu’ng kalagayan. Dinala siya ng mga ito sa isang sari-sari store sa may eskinita. Dito niya unang natikman ang bisyong sisira sa kanyang kinabukasan.

Siya’y nakulong sa isang usok. Hinihithit ang tabako na nakabalot. Paninigarilyo ang kanyang ginagawa kapag siya ay malungkot. Ngayo’y kabilang na siya sa 17.3 milyon bilang ng mga Pilipinong may gulang 15 pataas na naninigarilyo.

Sa kanyang araw-araw na paghithit at pagbuga nakakuha siya ng sakit sa baga. Palagi siyang umuubo ngunit binalewala niya ito. Dumating isang araw na siya’y umubo na may halong dugo. Mula 54 kilos, bumaba siya ng 43 kilong timbang dahil sa kanyang bisyo.

Isang araw, hinimatay siya sa gitna ng klase. Isinugod kaagad siya sa hospital. Nagulat ang doctor sa kanyang nakita, may bato sa baga ni Totoy na kasinlaki ng isang lata ng soft drinks. Nasa terminal stage na pala si Totoy. Wala na siyang ibang hinihintay kundi kamatayan.

Ating alalahanin na ang buhay ay punong-puno ng iba’t-ibang pagsubok. May mga araw na gusto nating sumigaw, magwala o minsan nama’y ibunton sa ibang bagay ang ating atensiyon nang sa gayon ay makalimutan ang mga ito.

Minsan, ang simpleng bisyo kagaya ng paninigarilyo ay nakapagpapalimot, subalit sa katagalan ay hindi natin namamalayan na unti-unti tayong nilalamon ng usok nito tungo sa kadiliman. Ilagay sa isip, huwag ipigbili ang buhay sa halagang diyes pesos lamang. (Benedict C. Lasanas/Corpus Christi School)

Published in the SunStar Cagayan de Oro newspaper on April 16, 2017.


View Comments